678

Nagpapautang ng ‘5-6’, binayaran ng bala

Bala ang ibinayad ng isang gunman sa isang negosyante na sinasabing nagpapautang ng “5-6” sa mga puwesto sa Commonwealth Market sa Quezon City.

Kinilala ni QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang biktima na si Emilio Corpuz Leomo, 54.

Si Leomo ay namatay noon din dahil sa tinamong mga tama ng bala ng kalibre .38 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nang masigurong patay na ang biktima ay parang walang nangyaring naglakad lamang papatakas ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na sumbrero, maong na pantalon at nakatakip ng black bonnet ang mukha.

Sa report kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station, pasado alas-6:00 ng umaga (January 12) naganap ang pamamaril kay Leomo sa likod ng Commonwealth Market sa pagitan ng Stalls 1 at 19.

Batay sa pahayag ng saksi na nakilalang si Irene Abonita, kabubukas lamang niya ng kanyang puwesto sa Stall 19 ay namataan niya ang suspek na basta na lamang dinikitan at pinagbabaril ang naglalakad na si Leomo.

Masusing iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang naganap na krimen. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?