55
Nagpakilalang NPA, huli sa pangingikil sa Makati
By

Nagpakilalang NPA, huli sa pangingikil sa Makati

Kulungan ang bagsak ng isang 67-anyos na lalaking nagpakilalang miyembro ng New People’s Army (NPA) nang mangikil sa isang construction firm sa Makati City.

Batay sa report na isinumite sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Mario Luis Gonzales, residente ng No. 19 J. Vicencio St., Barangay Sta. Lucia, San Juan City.

Inaresto si Gonzales ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Unit sa kanyang bahay sa Barangay Sta. Lucia bandang ala-1:20 ng hapon noong Miyerkoles matapos ang isang buwang surveillance at tip mula sa kapitbahay ng suspek.

Dala ang warrant of arrest sa kasong robbery/extortion na inisyu ni Judge Maximo Leon ng Makati City Regional Trial Court Branch 143 na may petsang Nobyembre 17, 2017, agad na inaresto si Gonzales.

Batay sa record, nangikil ng halagang P550,000 si Gonzales kasama ang dalawang kasabwat mula sa isang construction firm ni Engineer Noel Franco noong Abril 21, 2015 matapos magpakilalang kasapi ng central committee ng NPA at nanghihingi ng pera para sa kanilang revolutionary movement.

Nagbanta pa umano si Gonzales na papatayin ang pamilya ni Franco kapag hindi nagbigay ng hinihinging salapi kaya nakapagbigay na ito ng halagang P120,000 na ipinadala sa pamamagitan ng Cebuana sa Makati City.

Nabatid na isinet-up si Gonzales matapos na humingi ng tulong si Franco sa National Bureau of Investigation at nakipagkita ito para ibigay ang karagdagang P200,000 sa isang mall sa nabanggit na lungsod subalit nakatunog ang suspek at agad na nakatakas dala ang pera.

Matapos ang apat na taong pagtatago ay naaresto ang suspek sa pamamagitan ng tip mula sa kapitbahay nito at nakatakdang hatulan ng apat hanggang anim na taon na pagkakabilanggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?