7

By ,

MPBL: Moralde matibay sa Muntinlupa

Sharing is caring!

Inalpasan ng Muntinlupa Cagers ang Pasig Pirates, 98-92, sa overtime, Huwebes ng gabi sa Muntinlupa Sports Complex.

Sinamantala ng Muntinlupa ang homecourt advantage at sinelyuhan ang panalo bago pa man pumasok sa playoffs ng Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup.

Nasa magandang posisyon ngayon ang Cagers na patuloy ang matatag na pagkapit sa second spot sa Southern Division bitbit ang 13 panalo sa 21 asignatura.

Nanguna para sa Cagers si Dave Moralde na may 15 puntos pero mas nagningning ang bagong recruit na si Ryusei Koga, na naipasok ang crucial three sa huling 40 segundo ng extra period na nagpaangat sa tropa 93-90.

Bukod sa dalawa, umayuda rin si Regie Basibas ng 13 puntos, si Allan Mangahas na may 12 puntos at 11 puntos naman ang kay Chito Jaime.

Ito naman ang ika-19 na talo ng Pasig sa 22 laro para tuluyang ma-eliminate sa torneo.

Sa unang laro, muling nasikwat ng Manila Stars ang second spot ng Northern division nang padapain nito ang Marikina Shoemasters, 91-89.

Bumandera sa Stars si Marvin Hayes nang pinoste ang kanyang double-double finish na 19 na puntos at 10 rebounds habang may 19 na puntos din si Chris Bitoon at tig-10 puntos mula kay Aris Dionisio at Macklin Sabellina.

Dulas naman sa 7-14 na kartada ang Marikina at nanatili ito sa 11th spot ng Southern division.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?