62

Feb 13, 2020 @ 22:33
By

MPBL All-Star: Alvarez kampeon sa 3-point shootout

Kinoronahan bilang 3-point shootout champion si Lester Alvarez nang tumirada ng 24 points sa 3rd Chooks MPBL All-Star 2020, Huwebes ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay.

Walang sinayang na bola ang Bulacan guard sa kanyang ikatlong rack na sinalpak lahat para mangibabaw kina James Martinez ng Nueva Ecija na may 20 points, at Jerom Garcia ng Bicol na naka-17 markers.

“Expected ko si James talaga kasi siya parati sa three points. Ako lang sinwerte ngayon. Nag-usap kami, sinong susuwertehin. Eventually ako yun,” kwentong bumubungingis ni Alvarez. “Kung na-shoot pa niya yung moneyball sa dulo, tabla pa kami. Kahit last rack, di ako kampante. ‘Di ako makapaniwala.”

Kaakibat sa tropeo, nabiyayaan pa ng P50,000 cash prize ang dating Adamson Falcon.

Tumapos sina John Wilson ng San Juan at Mikee Cabahug ng Navotas ng tig-18 pts., habang si Rocky Acidre ng Bacoor at Jordan Rios ng Rizal ay mga naka-15 puntos.

Ang iba pang mga kalahok na sina Anton Asistio ng Zamboanga ay naka-13 pts., si Rhaffy Octubre ng Cebu may 12 points, samantalang may walo si Robin Rono ng Zamboanga at pito si Mark Pangilinan ng Bacoor.

Hindi naman luhaang umuwi ang mga talunan na may pakunswelong P10,000 bawat isa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?