57

By

Mosyon ng Rappler sa Certificate of Incorporation, ibinasura ng CA

Ipinapaubaya na muna ng Court of Appeals (CA) sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagpapasya sa magiging legal na epekto ng pagdo-donate ng Omidyar Network sa mga pag-aari nitong Philippine Depositary Receipts (PDR) sa mga staff ng Rappler.

Ito ay sa resolusyong inisyu ng CA Former Special Twelfth Division sa motion for partial reconsideration ng Rappler.

May kinalaman ang kaso sa petition for review ng Rappler na kumukuwestiyon sa desisyon ng SEC na nagkakansela sa kanilang Certificate of Incorporation (COI).

Matatandaang binawi ng SEC ang COI ng Rappler noong Enero 2018 dahil sa paglabag nito sa Konstitusyon na nagtatakda na ang mass media sa Pilipinas ay dapat 100-percent na pag-aari at kontrolado ng mga Pilipino.

Sa pamamagitan daw kasi ng inisyung PDR sa Omidyar Network Fund, nagkaroon ng kontrol ang mga dayuhan sa Rappler.

Ito ay bunsod umano ng kondisyong nakapaloob sa inisyung PDR sa Omidyar na nagsasabing obligado ang Rappler na sila ay konsultahin bago ito gumawa ng hakbang na makakaapekto sa kanilang karapatan bilang PDR holder.

Sa naunang desisyon ng CA noong Hulyo 2018, hindi nito pinaboran ang petisyon ng Rappler at sa halip, inatasan nito ang SEC na pag-aralan ang epektong ligal ng pagdo-donate ng Omidyar Network ng lahat ng kanilang PDRs sa mga staff ng Rappler.

Sa mosyon ng Rappler, iginiit nito na ang hakbang ng Omidyar ay may “curative effect” sa kaso.

Pero sa resolusyon ng CA, tinukoy nito na ayaw nitong pangunahan ang magiging findings ng SEC.

Wala rin umanong batayan para bawiin ng CA ang nauna nitong kautusan sa SEC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?