88

By

Mister, suspek sa pagkamatay ng Pinay sa US

Isinailalim na sa awtopsiya ang mga labi ng isang 27-anyos na Filipina para mabatid ang sanhi ng pagkamatay nito na hinihinalang biktima ng domestic violence sa Fort Lupton, Colorado sa Amerika.

Kinilala ang biktimang si Russcel Recelistino, isang human resource management graduate ng La Consolacion College sa Bacolod City, ayon sa Inquirer report.

Ayon sa ulat, rumesponde sa tawag tungkol sa isang taong walang malay ang mga opisyal mula sa Fort Lupton Police Department, Fort Lupton Fire District at Banner Health Ambulance sa 3rd Street noong Nobyembre 27 ng umaga.

Nang dumating ang mga ito sa lugar, naabutan nila ang isang walang malay na babae na dinala nila sa Northern Colorado Medical Center kung saan ito kalaunan namatay.

Samantala, nasa kustodiya na ng pulisya ang mister ng biktima na si Joseph Garza.

Nalaman umano ng ina ng biktima ang nangyari sa kanyang anak sa employer ng huli sa Wholly Stromboli Restaurant sa Fort Lupton.

Nakatira ang biktima at kanyang asawa sa mga magulang ng lalaki sa Fort Lupton at nang matagpuan itong unresponsive ay ang suspek lang umano ang kasama nito sa bahay.

Kuwento ng ina ng biktima, seloso raw ang suspek at madalas magtsek ng cellphone at social media account ni Recelistino.

Nagtungo sa Amerika si Recelistino para sa on-the-job training sa Minnesota noong 2015 at kalaunan ay lumipat ng Colorado kung saan nito nakilala ang kanyang asawa.

Sa kabila na naghihintay pa ito ng kanyang green card ay plano na umano sana ng biktima na umuwi ng Pilipinas sa Enero dahil hindi na kayang makasama pa ang kanyang asawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?