49

By

Mislatel naka-iskor sa Senado

Inendorso ni Senadora Grace Poe, bilang chairman ng Senate Committee on Public Services, na kilalanin ng Senado ang pagsasalin ng controlling shares ng Mindanao IslamicTelephone Company, Inc. (Mislatel) tungo sa consortium na kinabibilangan nito na Mislatel Consortium.

Ang Mislatel ay may prangkisa buhat sa Konggreso at ibinigay ito noong 1998.

Nanalo naman ang consortium sa bidding at binigyan ng provisional authority para pumasok sa telecommunications industry at makakakumpetensya ng Smart at Globe.

Kasosyo sa consortium ang Udenna Corporation ni Dennis Uy, negosyante buhat sa Davao City at kaibigan ng pamilya Duterte pati na ang China Telecom, korporasyon ng gobyerno ng China.

Sa Republic Act 8627 o batas na nagbigay ng prangkisa sa Mislatel, nakasaad na kailangang aprubahan ng Senado at Kamara ang paglilipat ng controlling shares ng kumpanya.

Nauna na ang Kamara sa pag-aprub ng panukalang concurrent resolution na kikilala sa pagpapalit ng may kontrol sa Mislatel.

Ayon kay Poe, inendorso niya na kilalanin din ito ng Senado dahil kaisa siya sa paghahangad na magkaroon ng isa pang telco na inaasahan na magpapababa ng bayarin sa tawag at text messages sa cellular phone at sa internet service.

Pero sinabi ni Poe na kahit kilalanin ng Konggreso ang pagsasalin ng kontrol ng Mislatel tungo sa consortium, hindi ito makapipigil sa pagkwestyon kung may bisa pa ang prangkisa nito buhat sa Konggreso.

Una nang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na wala nang bisa nag prangkisa dahil hindi nag-operate ang Mislatel kahit minsan mula noong mabigyan ito ng prangkisa.

Nasa batas na kailangan itong magbukas ng operasyon sa loob ng isang taon mula nung matanggap ang prangkisa.

Sinabi ni Poe na kapag naman umarangkada ang operasyon ng Mislatel at hindi nito natupad ang mga pangako na magandang serbisyo, hindi na ibabalik ng gobyerno ang idineposito nitong bond na P25B.

“If Mislatel fails to deliver on their promise, they are going to lose their bond, they will lose also a big chunk of their capital expenditure. Pinapangako nila na magkakaroon tayo ng 27 mbps sa unang taon, pinapangako nila na 37 percent ng underserved areas ay mabibigyan ng cell reception. Tingnan natin. Ito ay hamon sa kanila pero kailangna pa rin ng approval n gating Senado,” sabi ni Poe sa kaniyang sponsorship speech.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?