195

By

Milyones na Rolex, dinekwat ng ‘Dugo-dugo’ sa abogado

Umaabot sa P2.5 halaga ng mamahaling gamit ang natangay ng isang babaeng miyembro ng ‘Dugo-dugo’ gang sa isang abogado sa Quezon City.

Kinilala ni PO3 Rhic Roldan Pittong, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Atty. Ernesto Datu De Vota, 66-anyos, may asawa at negosyante.

Batay sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas-2:45 hanggang 4:25 ng hapon (November 24). Nasa Tarlac umano ang biktima at naiwanan sa tahanan nito ang tatlo niyang kasambahay.

Isa sa mga kasambahay ng abogado na nakilalang si Melanie Patanao ang nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang ‘di kilalang babae at tinanong kung iyon ang bahay ni De Vota.

Sinabi umano ng caller kay Patanao na lumabag sa batas trapiko ang kanyang amo at nakabangga ng isang Chinese national at dahil sa hindi makapagsalita umano si Atty. De Vota ay siya ang inutusan na tawagan ang kaniyang kasambahay.

Dito ay inutusan ng suspek ang kasambahay na pumunta sa silid ng kanyang amo at kunin ang
nasabing dalawang Rolex na relo na nagkakahalaga ng P2.5 milyon na nasa closet na malapit sa kama ng abogado saka ibalot sa tissue paper.

Matapos ay inutusan ang kasambahay na magkita sila SM San Lazaro sa kanto ng Tayuman at Sulu Sts., sa Brgy 341 Zone 34 sa Maynila.

Agad namang sumakay sa taxi ang kasambahay at doon ay sinalubong umano siya ng isang babae na nakasuot umano ng pulang t-shirt at maong na pantalon at nagpakilalang siya ang napag-utusan ng abogado na kunin ang dala nito.

Pinaghintay pa umano ng suspek ang kasambahay sa lugar at doon umano siya susunduin ng kanyang amo, subalit namuti na umano ang mata ni Patanao kaya nagpasya na itong bumalik sa bahay ng abogado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?