89

By

Mga taga-Navotas aambunan ng scholarship

Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang 34 na bagong academic scholar sa kasagsagan ng mga graduation ceremony ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa nasabing bilang, 15 ay mga incoming high school freshmen, 12 ay incoming freshmen sa Navotas Polytechnic College (NPC), isa ay incoming freshman sa kolehiyo o unibersidad na kanilang pipiliin, at anim ay mga guro na nais magkaroon ng mas mataas na edukasyon.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor John Rey Tiangco ang kahalagahan ng edukasyon sa pagkamit ng tagumpay.

“Mahalaga ang edukasyon sa pagkamit ng tagumpay. Sa pamamagitan ng scholarships, hangad namin na matulungan ang mga kabataang Navoteño na magkaroon ng diploma. Ito ang magbubukas sa kanila ng mga oportunidad para maabot nila ang kanilang potensyal at magtagumpay sila sa buhay,” aniya.

Makatatanggap ng P18,000 bawat academic year ang mga high school scholars para sa kanilang mga aklat, pamasahe at pagkain. P22,000 ang makukuha ng mga NPC scholars para sa kanilang tuition, mga aklat, pamasahe at pagkain. P262,000 naman ang ibibigay sa mga scholars sa ibang kolehiyo o unibersidad.

Samantala, makatatanggap ng P75,000 ang mga teacher scholars bilang panustos sa kanilang tuition, mga aklat, pamasahe at pagkain, pati na research.

Maliban sa academic scholarship, may scholarship din ang pamahalaang lungsod para sa mga estudyanteng magaling sa sports at sa sining, pati na sa mga kaanak ng kwalipikadong mangingisdang Navoteño.

Simula nang isakatuparan ang Navotas Scholarship Program noong 2011, 771 na mga Navoteño na ang napag-aral ng pamahalaang lungsod. Sa bilang na ito, 325 ang academic scholars, 422 ang athletic scholars, 19 ang art scholars, at lima ang Ulirang Pamilyang Mangingisda scholars.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?