113

By

Mga sabit sa 2019 budget, tuluyang tinapyas ni Duterte

Hindi umubra sa Malacañang ang ‘rider provisions’ o mga hindi kailangang budget na nakapaloob sa 2019 national budget.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte Lunes ng gabi ang Republic Act no. 11260 o ang General Appropriations Act for 2019.

Sinabi ng kalihim na ang 2019 budget ang magiging instrumento sa adhikain ng administrasyon tungo sa tunay na pagbabago para sa mas epektibo at episyenteng paghahatid ng mga programa, proyekto at mga serbisyo para sa sambayanan.

Ayon kay Panelo, vineto ng Pangulo ang mga probisyon sa GAA lalo na ang mga hindi kailangan at walang kinalaman sa ibang mga proyekto.

“The President vetoed items for appropriation that are either considered by law and jurisprudence as rider provisions not being related to a particular appropriation or they seek to amend the Constitution and certain statutes,” ani Panelo.

Kabilang aniya sa vineto ng Presidente ang P95.3 billion na inilagay sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil hindi ito kabilang sa mga nakalinyang prayoridad ng pamahalaan.

Inilagay naman ni Pangulong Duterte sa conditional implementation ang ilang probisyon ng 2019 national budget para matiyak na nakakasunod ito sa batas at mga polisiya ng pamahalaan, gaya ng allowance at benepisyo ng mga guro, pagbuo ng teaching positions, pagtatayo ng evacuation centers, pagpondo sa ilang foreign-assisted projects, revolving funds, tulong pinansiyal sa local government units at iba pa.

Nangako si Panelo na agad ilalabas sa media ang veto message ni Pangulong Duterte sa sandaling makakuha ng kopya ang kanilang tanggapan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?