83
Mga poster ng Malasakit Center, pinababaklas ng Comelec
By

Mga poster ng Malasakit Center, pinababaklas ng Comelec

Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) ang Department of Health (DOH) na tanggalin sa lahat ng mga pampublikong ospital ang mga poster ng Malasakit Center na may larawan nina Pangulong Rodrigo Duterte at senatorial candidate Bong Go.

Ayon kay Election Commissioner Rowena Guanzon, nanawagan na rin sila mismo kay Go na tanggalin ang mga poster ngayong panahon ng kampanya.

Paliwanag ni Guanzon, programa ng administrasyong Duterte ang Malasakit Center na one-stop shop sa mga ospital upang pabilisin ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mahihirap.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ng tulong medikal ang pasyente at aasistehan na mapabilis ang pagsusumite ng dokumento sa Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Social Welfare and Development at DOH para sa financial assistance.

Sinabi ni Guanzon na ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga propaganda materials ng kandidato sa mga government owned and controlled establishments.

Samantalala, sinabi ng kampo ni Go na sinabihan na nito ang kanyang mga supporter na huwag isabit ang kanyang Malasakit posters dahil ito ay proyekto ni Pangulong Duterte.

Ikinatuwa naman ng election watchdog na Kontra Daya ang aksiyon ng Comelec dahil ito na rin ang simula ng imbestigasyon kung saan galing ang campaign funds ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?