73

By

Mga overpriced face mask pinaiimbestigahan

Gustong paimbestigahan ng isang mambabatas ang mga nagbenta ng face mask, pagkain, at iba pang supplies sa mas mataas na halaga, maging ang umano’y kakulangan sa paalala ng mga ahensiya ng gobyerno sa kasagsagan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Ito, matapos kumalat online na nagtaas nang hanggang P200 ang karaniwang P50-P60 kada kahon na binebentang face mask.

Inihain kahapon ni Dasmariñas, Cavite Representative Elpidio Barzaga, Jr. ang House Resolution No. 643 na layon ding siyasatin kung paano nagkulang umano sa paalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa pagsabog ng nasabing bulkan.

Kinilala man ni Barzaga ang pinaskil na Alert Level 1 ng Phivolcs sa Taal Volcano mula pa Marso 2019, sinabi nitong “may kakulangan sa pamamahagi ng impormasyon sa publiko,” partikular na sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, at Batangas.

“[W]hen the Taal Volcano is already manifesting an increase in volcanic activity, there are no news bulletins or SMS alerts from the PHILVOLCS and other concerned government agencies,” sabi ni Barzaga sa panukala.

Layon din ng panukala na malaman ang mga pwede pang iunlad ng mga government agency, gaya ng Philippine National Police, Department of Social Welfare and Development, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), maging ng mga lokal na gobyerno sa pagtugon sa panahon ng sakuna.

Ayon sa ulat ng NDRRMC ngayong Martes ng umaga, Enero 14, 2020, nasa 6,891 pamilya o 30,423 katao na ang pansamantalang nasa 38 evacuation center.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?