135

Jun 19, 2018 @ 21:15
By

Mga opisyal, tauhan ng GSIS pinatutulong sa kampanya kontra korapsiyon

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tulong ng mga opisyal at tauhan ng Government Service Insurance System (GSIS) para malabanan ang katiwalian sa gobyerno.

Ang kahilingan ay ginawa ng Presidente sa kanyang pagdalo sa ika-81 anibersaryo ng GSIS na ginanap sa GSIS Financial Center sa Pasay City.

Ayon sa Pangulo, panahon na para seryosohin ang paglutas sa sakit ng lipunan na nagiging hadlang na sa matagal na panahon para makausad ang bansa.

Hinikayat din nito ang mga taga-GSIS na dapat panatilihin ang integridad, transparency at pananagutan sa lahat ng mga ginagawang aksiyon o desisyon sa trabaho para maisulong ang mas produktibong kinabukasan.

“I call on you to remain one with us in the fight against graft, corruption and other ills of society that have long been hampering our growth as a nation for so long.

“Always embody integrity, transparency and accountability in your work and never waver in your resolve towards a better and more progressive Philippines,” anang Pangulo.

Sa kabila ng pagiging seryoso ng okasyon ay nagawa namang magpatawa ng Presidente at nagbirong sa GSIS mayroong pinakamagagandang babae.

“Sa lahat ng opisina — hindi ako nag — hindi ako nagbobola ha. Sa lahat ng opisina, ang pinakamaraming maganda ang GSIS. On the average — sa totoo lang — on the average, marami talagang magaganda. I don’t know if you follow a certain criteria in… She must be slim, not more than 115 pounds with a charming…Saan ka nakatira, ma’am? ,” ang pabirong pahayag ng Pangulo.

Matatandaang nababatikos ng mga kritiko si Pangulong Duterte dahil sa malimit na pagbibiro nito sa mga babae o kaya naman ay binabanatan ang mga partikular na mga babaeng personalidad na pumupuna o kumokontra sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?