119
Mga netizen binira ang Nike sa nasirang sapatos
By ,

Mga netizen binira ang Nike sa nasirang sapatos

Nakatikim ng batikos mula sa mga netizen ang kumpanyang Nike matapos masira ang sapatos ng basketbolista na si Zion Williamson sa kalagitnaan ng laro ng kanyang tropa noong Miyerkoles (Huwebes, oras sa Pilipinas).

Nagtamo ng injury ang Duke University forward na si Williamson matapos mapaupo sa gitna ng court nang masira ang kanyang sapatos, 36 segundo pa lamang sa pagbubukas ng laro nito kontra University of North Carolina.

Humiwalay ang swelas ng Nike hightops na suot na ni Williamson na naging mitsa ng nasabing insidente.

Maraming netizens ang nagalit sa kumpanya sa social media at sinabi na dapat humingi ng paumanhin ito at bigyan ng kompensasyon si Williamson.

Dahil sa nangyari, hindi nakapaglaro sa buong game si Williamson at ayon sa Twitter account ng Duke University, nagtamo rin ito ng Grade 1 right knee sprain.

Ayon sa ilang balitang lumabas, sinibak na umano ng Nike ang tauhan nitong responsable sa pagkasira ng sapatos ni Williamson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?