151

Mga nag-iinuman sa bangketa hulihin! – Duterte

Muling pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na hulihin ang mga tambay na nag-iinuman sa bangketa.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City na kapag nagkaumpukan sa isang lugar, tiyak na ang kasunod ay gulo.

Kapag aniya may tatawid sa kanto at nakita ang umpukan ng mga nag-iinuman, lilihis ang mga ito at mapipilitang tumawid sa hindi tawiran para lamang makaiwas sa mga ito.

“So the police, better accost them. Just accost them and say “this is not really a public place dedicated for drinking. It is for public convenience. So that they can be there and they are safe and secure,” anang Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na mahigpit siya sa Davao City sa mga nag-iinuman at wala talagang mangahas na uminon sa bangketa dahil tiyak na makakatikim ang mga ito sa kanya.

“Sa Davao, pag maabutan kita nag-iinuman diyan, ipaubos ko sa isang minuto. Ubusin mo pag hindi ipalo ko yan sa ulo mo. Tanungin mo yang mga taga-Davao. Tanungin mo mga pulis na taga-Davao. Ipalo ko talaga,” dagdag pa ng Pangulo.

Matatandaang pag-upo pa lamang ng Pangulo noong 2016 ay isa sa mga utos nito ang paghuli sa mga tambay dahil pinagmumulan aniya ito ng gulo lalo na ang mga may bisyo sa alak at droga. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?