959

Apr 2, 2020 @ 8:24
By

‘Mga makakaliwa pinababaril: Duterte patalsikin na!’

Nagpupuyos sa galit ang madla sa anila’y maling paraan ng pagtugon ng gobyerno sa harap ng pandemyang COVID-19, kaya nararapat lang anila na palayasin na sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Top 1 trending ngayong Huwebes ng umaga sa Twitter Philippines ang #OUSTDUTERTENOW. Nitong maga-alas-otso ng umaga, meron na itong higit 523,000 tweets,

Sa Top 20, napabilang din ang mga kataga at hashtag na “Pilipinas,” “Pilipino,” “President,” “Philippines,” “Filipinos,” “Davao,” “#peoplepower,” “Leni,” “Digong,” “Miriam,” “Gobyerno,” “Martial Law,” “SHOOT TO KILL,”” at “Dingdong Dantes Supporter.”

Ang ugat nito, ang puro-pagbabantang pahayag ni Duterte kahapon ukol sa COVID-19.

Sinabi niyang lumalala ang naturang krisis, kaya sinusubukan niyang mabalanse ang suplay na meron ang bansa sa pera, pagkain at iba pa.

Hindi rin aniya siya magdadalawang-isip na ipag-utos ang pagpapabaril sa mga “loko-loko” at “panggulo” sa mga relief goods at sa lipunan.

“Ang pera, dadating. Ang pagkain, dadating. Huwag lang kayong magulo para smooth … Do not intimidate government. Do not challenge government. Matatalo kayo, sigurado,” wika ni Duterte, Abril 1.

“Huwag ninyong subukan ang Pilipino. Do not try to test it. Alam mo, we are ready for you. Gulo o barilan o patayan, I will not hesitate my soldiers to shoot you. I will not hesitate to order the police to arrest and detain you,” aniya pa. “My orders are sa pulis pati military, pati mga barangay na pagka ginulo at nagkaroon ng okasyon na lumaban at ang buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead.”

Kinontra ito ng mga netizen at sinabing hindi kailanman wasto na isagot ang karahasan para sa gutom na mga sikmura ngayong may lockdown sa Luzon at sa iba pang panig ng ‘Pinas.

Hinikayat din nila ang iba pang Pinoy na itigil na ang umano’y pagbubulag-bulagan at sinabing ang death threat para sa mga makakaliwa ay death threat para sa lahat ng mga mamamayan ng bansa.

Meron namang nagsabi na sila’y DDS–Dingdong Dantes Supporter, at hindi Diehard Duterte Supporter–at may inalala ang kataga ni yumao at natalong presidentiable Miriam Defensor-Santiago noong Halalan 2016 na si noo’y Davao City Mayor Duterte ang pinakadelikadong kandidato sa pagkapangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?