17

By

Mga ‘habal-habal’ pinaghuhuli ng MMDA

Sinuyod ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Eastern Metro Manila upang hulihin ang mga habal-habal o mga motorsiklong iligal na pumapasada sa mga lansangan.

Dahil dito, 17 riders ang nakumpiskahan ng lisensya nang maispatan na nagsasakay ng pasahero o nag-aabang sa mga matataong lugar tulad ng sakayan ng mga bus, jeep at UV Express.

Sinabi ng MMDA, tinatangkilik ng mga pasahero ang habal-habal at malakas ang biyahe bilang alternatibong sakayan lalo’t pahirapan ang pagsakay at iwas din sa daloy ng trapiko.

Ngunit mas mahal ng P20 ang pamasahe sa habal-habal kumpara sa mga accredited motorcycle taxi.

Ayon kay Celine Pialago, tagpagsalita ng MMDA, tinatayang nasa 80 hanggang 100 ang habal-habal rider sa Eastern Metro Manila lalo na sa Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.

Sinabi ni Pialago, nasa P6,000 ang multa sa pamamasada nang walang prangkisa, P2,000 naman sa pagtatatag ng iligal na terminal.

Aniya, sa datos ng MMDA, nasa 86 na kaso ng motorcycle road crash ang naitatala sa Metro Manila kada araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?