56

By

Mga convict na hindi pa sumusuko, binalaan ng Palasyo

Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga presong hindi pa sumusuko na mag-isip-isip bago matapos ang itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte na Setyembre 19 para hindi maituring na pugante ang mga ito sa batas.

Kasunod ito ng naging direktiba ng Pangulo na dapat boluntaryong sumuko ang mga presong napalaya sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law matapos matuklasang may mga presong nakalaya kahit hindi kuwalipikado ang mga ito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na may ilang araw pa para magdesisyon ang mga napalayang preso dahil kapag hindi sumunod ang mga ito ay tutugisin sila ng mga awtoridad.

“As the President said when the 15-day deadline lapses then they will be deemed to be fugitives from justice and they can be arrested,” ani Panelo.

Batay sa pahayag ng Philippine National Police, 435 pa lamang ang mga presong boluntaryong sumuko mula sa napalayang humigit-kumulang nasa 2,000.

Hindi naman nangangamba ang Palasyo sa malaking bilang pa ng mga presong hindi sumusuko dahil marahil aniya ay hindi alam ng mga ito ang deadline ng Presidente.

Magkagayunman, sinabi ni Panelo na hindi mababago ang itinakdang deadline ng Pangulo.

“The fact is there are 400 of them coming in; could be that others may not have known of the deadline. But just the same, the order of the President remains,” dagdag pa ni Panelo.

Kaugnay nito, sinabi ni Panelo na wala pang pinal na desisyon si Pangulong Duterte kaugnay sa P1 milyong reward na inanunsiyo nito noong Setyembre 4, 2019 matapos ibigay ang 15-day deadline para sa mga napalayang preso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?