712

By

Mga atletang dapat abangan sa 2019

Pagpasok ng taong 2019, may mga atletang nakatakdang gumawa ng pangalan sa larangan ng palakasan.

Ilan dito ay beterano na patuloy pa rin ang pamamayagpag, samantalang ang iba naman ay pausbong ang karera na talaga namang inaabangan ng madla.

Ito ang mga Pinoy athletes na dapat bantayan sa 2019:

Mga ONE FC Pinoy fighter

Naging mapalad ang taong 2018 para sa MMA scene sa bansa. Ngayong taon, limang mixed martial artist mula sa Pilipinas ang may hawak ng belt sa ONE Fighting Championship.

Ito ay sina Brandon Vera (heavyweight), Eduard Folayang (lightweight), Kevin Belingon (bantamweight), Geje Eustaquio (flyweight) at Joshua Pacio (strawweight).

Sa susunod na taon kanilang idedepensa ang kanya-kanyang belt na hindi magiging biro dahil sa patuloy na pag-usbong ng malalakas ring katunggali.

Manny Pacquiao

40-anyos na ang ‘Pambansang Kamao’, ngunit kinukunsidera pa rin ito bilang isa sa pinakamagaling pagdating sa boksing.

Sa Enero 19 sa Las Vegas muling sasabak si Pacquiao kontra sa dating four-time world champion na si Adrien Broner para depensahan ang WBA welterweight title na nakuha matapos pabagsakin si Lucas Matthysse noong Hulyo.

Ricci Rivero at Kobe Paras

Muling nakabalik ang University of the Phillippines Fighting Maroons sa UAAP finals makalipas ang lampas tatlong taon na pagkauhaw sa podium finish.

Ngayong graduate na ang UP icon na si Paul Desiderio at kanya ring naging kakampi na si Diego Dario, may panibago nang sasandigan ang mga ‘Iskolar ng Bayan’.

Makapaglalaro na sa susunod na season ang dalawang collegiate superstar na sina Ricci Rivero at Kobe Paras, na inaasahang mas lalong magpapatikas sa UP at hindi malayong muling makabalik sa ‘promised land’.

Bobby Ray Parks Jr.

Matapos grumaduate sa National University noong 2013, limang taon ang hinintay ng PBA fans upang masilayan na sa local pro ranks ang isa sa kinukunsiderang pinakamagaling na prospect sa Pilipinas.

Nakapaglaro sa NBA Developmental League, sumalang na rin para sa Gilas Pilipinas at nakapagkampeon na sa Asean Basketball League, si Parks ang pinakaeksperiyensadong manlalaro sa nagdaang rookie draft at ilang buwan na lang ay makikita na rin kung kaya niyang maghari sa PBA.

Kai Sotto

Ang pinakabata sa listahan, sa edad na 16-anyos ay gumawa agad ng pangalan sa international scene si Sotto. Napabalitang nais kunin ng isang European ball club na Real Madrid, maging ang mga NBA personality tulad ni Dallas Mavericks owner Mark Cuban at NBA veteran Cherokee Parks ay kilala ang binata.

Nito lang ay napasama ang kanyang pangalan sa Fiba top U-18 prospect sa Asia-Oceania region kaya’t ‘di maikakaila ang kanyang husay sa court.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?