52

By

Matapos mag-caroling: Magtropa inulan ng bala

Patay na nang matagpuan ang dalawang lalaking magkaibigan na nangangaroling sa mga pampasaherong dyip na pinaniniwalaang biktima ng summary execution o salvage sa mabundok na bahagi ng Sitio Capasanan, Barangay Casili, Mandaue City, Cebu Sabado ng gabi.

May mga tama ng bala sa noo, leeg at dibdib ng matagpuan ang bangkay ng mga biktimang nakilalang sina Ryan Tanega, 25, at Stephen Balbuena, 24, pawang residente ng Barangay Punta Princesa, Cebu City.

Ayon kay Police Corporal Cyrus Buot, ng Canduman Police Station ng Mandaue City PNP, pasado alas-6:00 ng gabi nang iulat sa kanila ng isang konsehal ng Barangay Casili ang natagpuang bangkay ng dalawang hindi kilalang lalaki sa mabundok na bahagi ng Sitio Capasanan ng nasabing barangay.

Agad namang tinungo ng pulisya ang lugar at tumambad sa kanila ang bangkay ng dalawang biktima habang may mga basyong bala ng kalibre .45 baril ilang metro sa katawan ng mga ito.

Agad namang dinala ng pulisya ang mga bangkay sa Rolling Hills funeral homes sa Mandaue City.

Nakilala lamang ang bangkay ng mga biktima ng magtungo ang mga kaanak ng mga ito sa himpilan ng pulisya at hinahanap ang dalawang lalaki matapos hindi na umuwi ang mga ito ng nagdaang gabi kaya itinuro ng pulisya ang dalawang bangkay sa punenarya na positibong kinilala ng mga kaanak.

Napag-alaman sa mga kaanak ng mga ito na walang mga trabaho ang mga biktima kaya nang sumapit ang buwan ng Setyembre ay napagkasunduan ng dalawa na mangaroling sa mga pumapasadang dyip upang kahit paano ay kumita.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang motibo at kung sino ang mga responsable sa pagpatay sa dalawang magkaibigang biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?