42

By

Masangsang na amoy susi sa pagdiskubre sa bangkay

Naging susi ang masangsang na amoy sa pagkakadiskubre sa bangkay ng isang lalaki na mag-isang namumuhay sa kanyang tahanan sa Barangay Marikina Heights sa Marikina City, Linggo ng madaling araw.

Batay sa ulat ng Marikina City Police, dakong 5:30 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Jun Amon, 55, sa loob ng kanyang tahanan sa 51 East Drive St., Asiatic Estate, Barangay Marikina Heights.

Nabatid na naglalakad sa harapan ng bahay ng biktima ang testigong si Ernesto Laguisma, pangulo ng Asiatic Estate, nang salubungin siya ng masangsang na amoy.

Sinundan ni Laguisma ang pinagmulan ng amoy at dito na nadiskubre ang bangkay ni Amon na nakahandusay sa sahig ng garahe malapit sa main door ng tahanan, kaya’t kaagad na inireport sa awtoridad.

Lumalabas na huling nakitang buhay ang biktima noong Nobyembre 6, 2019 pa matapos na bigyan siya ng tinapay ng kanyang kapitbahay.

Natuklasan din ng mga awtoridad mula sa mga kapitbahay ng biktima na mag-isa na lamang itong naninirahan sa naturang lugar matapos umanong iwanan ng kanyang pamilya, may ilang taon na ang nakakalipas.

Ayon sa mga awtoridad, isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito dahil hindi matiyak sa inisyal na imbestigasyon kung mayroon itong internal injury.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?