337

By

Martial Law ni Marcos malabong maulit! — Palasyo

Tinuldukan ng Malacañang ang agam-agam ng mga kritiko sa posibilidad na maulit ang madilim na kasaysayan ng bansa nang magdeklara ng Martial Law si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa harap ito ng ika-46 taong paggunita sa Martial law na idineklara ng diktaduryang rehimen noong 1972.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malabong maulit ang Martial Law ni Marcos sa mga panahong ito dahil may kapangyarihan ang hukuman at Kongreso na ipawalang bisa ang deklarasyon ng Martial Law.

Bukod dito, sinabi ni Roque na mayroong umiiral na demokrasya sa bansa at lahat ng institusyon ay gumagana at pinapalakas pa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Malabo talagang maulit ang Martial Law ni Marcos dahil nakasaad sa 1987 Constitution na hindi puwedeng isarado ang kongreso at mga hukuman kahit na ikaw ay may Martial Law,” ani Roque.

Hindi nawawala ang ispekulasyon sa posibilidad na magkaroon ng Martial Law sa buong bansa sa kabila ng ilang beses na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang balak na magdeklara nito, maliban sa umiiral ngayon sa Mindanao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?