16
Marikina COVID-19 test lab, hinarang ng DOH - Teodoro
Mar 26, 2020 @ 16:46
By

Marikina COVID-19 test lab, hinarang ng DOH – Teodoro

Hindi inaprubahan ng Department of Health ang tinayong COVID-19 testing center ng Marikina City.

Sa panayam ni Marikina Mayor Marcy Teodoro sa dzBB, sinabi nito na nakatanggap siya ng liham mula sa Office of the Secretary ng DOH.

Ayon sa liham, dapat daw ay may hiwalay na building para sa testing lab.

“Hindi tayo inaprubahan, hindi tayo pinayagan ng Department of Health. Nakatanggap ako ng sulat galing sa Office of the Secretary ang sinasabi nila dapat daw kung meron kang testing facility o testing center ay merong nakahiwalay na gusali o building,” saad ni Teodoro.

Ito ay kahit pa nasa pinakatuktok na palapag ng City Health Office ang testing facility ng Marikina, at sinigurong iyon lang ang laman ng nasabing floor.

“’Yung buong palapag na ‘yun na sixth floor ng ating city health office ay wala nang ibang opisina, binakante na namin at tanging ‘yung testing center na lang ang naroon,” lahad ng alkalde.

“Maski naka set up na, kumpleto na tayo sa gamit, may mga trained personnel na tayo, sumunod naman tayo sa biohazard protocols na hinihingi nila doon sa safety measures, ang dinahilan, ang sinasabi nila nakatupad naman kami, nakasunod naman kami sa lahat ng parameter, criteria ng isang molecular laboratory testing center pero naging problema raw yung lokasyon ng pasilidad,” giit pa nito.

Ang nasabing testing lab ay makakatulong sana hindi lang sa Marikina, kundi pati sa mga kalapit lungsod sa Rizal at Pasig City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?