170
Maliliit na negosyante inayudahan ng DOST
Sep 5, 2019 @ 18:33
By

Maliliit na negosyante inayudahan ng DOST

Nilatag ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña ang iba’t ibang natulungan ng kagawaran upang mapaunlad ang ilang maliliit na negosyante sa bansa.

Sa ginanap na Technology Media Conference sa Quezon City, pinakita ng kalihim ang ilang matagumpay na negosyanteng sumubok sa tulong ng Set Up Program ng DOST kung saan maraming maliliit na negosyong nagsisimula pa lang ang nakinabang.

Inihalimbawa nito ang kumpanyang Natureearth Corporation kung saan napagkalooban ng kagawaran ng technical assistance at good manufacturing practices assistance upang mapaghusay ang kanilang pagnenegosyo.

Ayon kay Corazon Zonito Tamase, owner ng Natureearth, malaking tulong ang naipagkaloob ng DOST sa kanila noong nagsisimula pa lamang sila sa produktong pandesal.

Sa pamamagitan aniya ng mga technical at financial support ng DOST ay napaghusay at lalong napalaki ang kanilang itinatag na negosyo kung saan bukod sa pandesal, nakagawa na rin sila ng malunggay, okra, luya tea drink, banana chip at iba pang produkto sa ilalim ng Set Up Program ng kagawaran.

Nabatid na napagkalooban pa ang kanilang kompanya ng P1.5 milyong financial support noon ng DOST bilang tulong para mapaghusay at mapalaki ang kanilang negosyo na hanggang ngayon na patuloy na tinatangkilik at maaaring mabili sa iba’t ibang lugar.

Pinakita rin ng DOST chief ang pag-angat ng antas ng Pilipinas sa Global Innovation Index 2019, gayundin ang modernong mapping system na gawa ng DOST kung saan mas madaling matutukoy ang mga DOST Regional Standard and Testing Laboratories hinggil sa pagpapadali o ease of doing business na ginagawa ng departamento.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?