42

Feb 2, 2020 @ 18:52
By

Malaysian timbog sa droga, agarwood

Arestado ang isang Malaysian national matapos makuhanan ng halagang P5,000 shabu at kalahating kilo ng agarwoods na nagkakahalagang P50,000 sa isinagawang buy-bust operation, Sabado ng hapon, sa bayan ng Dolores, Eatern Samar.

Hindi na nakapalag nang posasan ng mga tauhan ng Dolores Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Lee Kuok Ting, 44, sa parking area ng isang lodging inn sa Barangay 2 ng nabatid na bayan.

Base sa ulat ni Police Master Sgt. Noli Moderno ng Dolores MPS, dakong ala-1:55 ng hapon, Pebrero 1, nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek at nagkasundong makikipagkita sa poseur buyer sa parking lot ng nasabing lodging inn.

Matapos na magkapalitan ng pera at iligal na droga ay saka hinuli ng awtoridad ang suspek.

Bukod sa shabu ay nakuhanan din ang suspek ng kalahating kilo ng agarwoods, na napakamahal dahil isa ito sa mga sangkap sa paggawa ng pabango.

Inaalam pa ng pulisya kung may kasabwat ang suspek sa kanyang iligal na gawain habang sinampahan na ito ng kaukulang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?