48

By

Malakanyang, pinakikilos sa abalang paghuhukay sa mga kalsada

Para maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko bunsod ng paghuhukay sa mga kalsada, nais ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza na pagbayarin ang lahat ng public works contractors at utilities sector para sa bawat oras na delay sa kanilang trabaho.

Sa ganitong paraan, mapipilitan aniya ang mga ito na tapusin agad ang kanilang trabaho.

Tinaya ni Atienza na nasa 2 milyon ang road diggings sa buong bansa kada taon kabilang ang ginagawa ng mga pribadong kumpanya na nagsu-supply ng tubig, gas at kuryente,

“Road excavation permit applicants should be billed rising hourly fees so they will be forced to complete their work without delay,” ayon kay Atienza.

“They should also be required to pay additional charges if they choose to do their work on weekdays, instead of weekends,” dagdag ng kongresista.

Matatandaang naglabas ng bagong guidelines ang mga ahensya ng gobyerno noong nakaraang taon na nag-oobliga sa lahat ng pagkukumpuni at paghuhukay sa mga kalsada na gawin lamang ito sa gabi sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw para walang abala sa mga kalsada sa araw.

Inatasan rin ng Department of Public Works and Highways, Department of Transportation at Metro Manila Development Authority ang mga kontratista na gumamit ng quick drying cement sa road repairs.

“But these remedial measures have obviously failed. We still see daylight road diggings being carried out everywhere and open pits left abandoned in all places,” sabi ni Atienza.

Dahil dito’y iginiit ng kongresista sa Malakanyang na magpalabas na ng executive order (EO) para madisiplina ang road works.

“Surely if the Palace can issue an EO imposing stricter smoking ban guidelines, it can also come up with one enforcing harsher rules on road diggings,” ani Atienza.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?