66
Malacañang tali ang kamay sa magulang na ayaw pabakunahan ang anak
By

Malacañang tali ang kamay sa magulang na ayaw pabakunahan ang anak

Hindi puwedeng pilitin o obligahin at parusahan ang mga magulang na tumangging magpabakuna sa kanilang mga anak.

Ito ang ginawang pag-amin ng Malacañang sa kabila ng binabalak na pagpapatupad ng mandatory vaccination ng Department of Health para sa mga bata bunsod na rin ng idineklarang measles outbreak sa bansa.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na sa ilalim ng Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011, walang magagawa ang gobyerno kung tatanggi ang mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak.

“RA 10152 does not have any penal provisions and does not punish parents who do not have their children vaccinated ,” ani Nograles.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Nograles na gagamitin ng gobyerno ang lahat ng paraan para maipatupad ang mandatory immunization at vaccination para sa mga sanggol.

Binigyang-diin ng kalihim na mahalagang maharap agad ang problema at maagapang lumala ang measles outbreak sa bansa.

Obligasyon aniya ng gobyerno na ibigay ang immunization nang libre sa mga sanggol at mga batang hanggang limang taon ang edad.

Sinabi pa ni Nograles na pakikilusin ng Malacañang ang lahat ng makinarya ng gobyerno at maging partners sa health sector para maipaalam sa publiko na libre ang bakuna, ligtas itong gamitin at para maprotektahan ang buhay at kalusugan ng mga sanggol at mga bata sa buong bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?