3,471

By

Mahigit 25 taon nang nakabinbin na aplikasyon sa NEDA nahalungkat ni Duterte

Mainit pa rin ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang ginawang pag-walk out sa Cabinet meeting Miyerkoles ng gabi dahil sa talamak na red tape sa gobyerno.

Sa kanyang pagharap sa mga bisita sa Malacañang kaugnay sa mass oath-taking ng mga bagong opisyal ng gobyerno, hindi naitago ng Pangulo ang pagkainis at ikinuwentong uminit ang ulo matapos madiskubreng may mga naka-pending na aplikasyon sa National Economic and Development Authority (NEDA) sa loob ng 25 taon, habang dalawang taon naman sa Department of Agrarian Reform.

Ang mga ganitong sistema aniya ang pinag-uugatan ng korapsiyon sa gobyerno at napeperwisyo ang mga mamamayan sa ginagawa ng mga corrupt na opisyal.

“Kung ganyan ang red tape or black tape, pinutol ko sila sabi ko ‘this I would not like to be a part of this briefing because this … this will not happen during my time. Kaya lumabas ako, sinabi ko kay Executive Secretary Medialdea, kindly take over,” anang Pangulo.

Binilinan ni Pangulong Duterte ang mga bagong opisyal na gawin ang kanilang trabaho at iwasan ang korapsyon at higit sa lahat huwag pahirapan ang mga maliliit na Filipino.

Atrasado ng mahigit isang oras ang pagdating ng Pangulo sa itinakdang schedule ng oath-taking dahil naging abala aniya ito sa pagpirma ng mga dokumento.

Ayon sa Presidente mahigit 700 mga dokumento ang pinipirmahan nito araw- araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?