80
Mahal na Araw gamitin sa pagninilay - PPCRV
By

Mahal na Araw gamitin sa pagninilay – PPCRV

Hinimok ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga mananampalataya na gamiting pagkakataon ang Semana Santa upang makapagnilay at manalangin para sa nalalapit na halalan.

Ayon kay PPCRV National Vice-Chairman for Internal Affairs Johnny Cardenas, magandang oportunidad ang Mahal na Araw upang maisabay sa pangingilin ang pananalangin para sa paggabay ng Panginoon at kaliwanagan ng kamalayan at pagpapasya sa pagpili ng karapat-dapat na ihalal sa nalalapit na midterm elections.

Paliwanag ni Cardenas, dapat ay masusing kilatisin ng bawat isa ang mga kandidato na mamumuno sa bayan, mangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan at magbibigay-solusyon sa mga suliraning panlipunan.

“Itong Holy Week, magnilay at manalangin tayo na sana ay makapili tayo ng karapat-dapat,” ayon kay Cardenas.

Hinikayat naman ni Cardenas ang mga kandidato na sundin ang panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) na campaign ban sa pagsapit ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Giit ni Cardenas mahalagang sundin ang nasasaad sa batas na kumikilala sa pagiging sagrado ng Holy Week o Mahal na Araw upang hindi mabahiran ng pulitika at maipakita ang paggalang sa pananampalataya ng mga Katoliko’t Kristyano.

Sa ilalim ng Comelec Resolution 10249, ipatutupad ang campaign ban sa Abril 18, Huwebes Santo at Abril 19, Biyernes Santo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?