34

By

Magulang ng batang napatay sa drug bust, nagsampa ng kaso vs Rodriguez police

Pormal nang kinasuhan ng ina ng batang babae, na napatay sa isinagawang anti-drug operation, ang mga opisyal at 40 miyembro ng Rodriguez Municipal Police sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes ng hapon.

Kasong murder ang inihain ni Gng. Tess, ina ng 3-anyos na biktimang si Myca Ulpina, laban kay Rodriguez Municipal Chief, PLt. Col. Resty Damaso at Rizal Provincial Intelligence Branch na pinamumunuan ni PSupt. Noel Campos.

Bukod dito, isinampa din ang obstruction of justice laban sa mga police officer ng Rodriguez Municipal Police Station sa pamumuno ni Master Sergeant Vladimir Dizon; SOCO Region IV-na pinamumunuan ni Major Joanne Rosales; Regional investigation and Detective Management Region IV-A na pinamumunuan ni Col. Joseph Arguelles at PNP Internal Affairs Service IV-A na pinangungunahan nina Col. Allan Leano at Seargent Archie Alvarado.

Ito’y kaugnay sa pagkamatay ni Myca sa anti-drug operation sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo, na sinasabing niratsada o minadali ang imbestigasyon kung saan may konklusyon agad ang mga isinasangkot na pulis sa pagkamatay ng bata.

Sinamahan ng National Union of Peoples Lawyer, RISE UP (For Life and For Rights) at ilang alagad ng simbahan ang ina ng biktima.

Lumitaw sa imbestigasyon na ginamit na “human shield” ng kanyang suspek na ama si Myca kaya ito nadamay at napatay sa operasyon.

Bukod sa murder at obstruction of justice, nahaharap din sa kasong administratibo ang 40 police official at officers para sa gross misconduct, grave abuse of authority at conduct unbecoming of a public official.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?