32

By

Magugutom ang pamilya: OFW sa Iraq hindi uuwi sa Pilipinas

Sa kabila ng missile attack ng Iran sa base militar ng Amerika sa Iraq, sinabi ng ilang Pinoy worker na hindi pa rin sila uuwi sa Pilipinas kahit anong mangyari dahil anila, magugutom lamang ang kanilang pamilya.

Ayon sa isang overseas Filipino worker (OFW) na itinago sa pangalang “Mark”, habang nasa bar ay narinig nila ang pagsabog sa Erbil, isa sa pinakamalaking siyudad sa Kurdistan region, north Iraq noong Enero 8.

Ito na aniya ang pinakamatinding pagsabog na naranasan nila sa buong buhay nila, kung kaya’t kaagad silang umuwi sa kanilang tinutuluyan upang tingnan kung ligtas ang kanilang mga kaibigan.

Ayon kay Mark, nasa 3,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa nabanggit na siyudad na may starting salary na $700 pataas.

Sabi nito, hindi aniya siya uuwi kabilang ang ilang Pinoy worker dahil wala naman aniyang ipinangako sa kanilang kabuhayan kapag nasa Pilipinas at magugutom lamang ang kanilang pamilya.

Nakipag-usap naman si Overseas Workers Welfare Administration Administrator Hans Cacdac sa ilang Pinoy worker sa Erbil, na may alternatibong kabuhayan na ibibigay sakaling mapauwi sila ng Pilipinas at hindi magugutom ang mga pamilya nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?