48

By

Magkaibigan timbog habang bumabatak

Huli sa aktong bumabatak ng shabu ang magkaibigang lalaki matapos na isumbong sila ng isa nilang kapitbahay kamakalawa sa Marikina City.

Hindi na nakapalag nang bitbitin sila ng pinagsamang puwersa ng pulisya at barangay tanod na nakilalang sina Agosto Jacinto, at Joey Gonzales, pawang nasa hustong gulang, at residente ng Sapphire St., Brgy. Malanday ng nabatid na lungsod.

Sa ulat ng Marikina police, dakong ala-una ng madaling-araw, nang makatanggap ng tawag ang Malanday Police Community Precinct (PCP) hinggil sa kasalukuyang nagaganap na shabu session sa isang bahay sa Saphire Street.

Agad na rumesponde ang mga pulis, kasama ang mga barangay tanod sa lugar upang kumpirmahin ang sumbong at doon nila naaktuhang bumabatak ng shabu ang mga suspek sa isang bahay.

Agad na dinakip ang mga ito at nakumpiska sa kanila ang dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga shabu paraphernalia.

Sinampahan na ng kaukulang kaso ang magkaibigang suspek na ngayon ay himas-rehas sa Marikina City police detention cell. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?