51
sonny-angara

Magdagdag ng social welfare attaches sa mga OFW hotspots – Angara

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pinoy overseas workers na mawawalan ng trabaho dahil sa employment ban sa Kuwait, nanawagan ngayon si Senador Sonny Angara sa gobyerno na magpadala ng social welfare attaches (SWA) sa mga bansang talamak ang pang-aabuso sa Filipino workers.

Ito, ayon sa senador ay upang mapalakas ang misyon ng Philippine diplomats na masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa ibayong dagat.

Binigyang-diin ni Angara na sa dami ng mga Pinoy sa iba’t ibang dako ng mundo, apat na social welfare officers lamang ang ipinadala ng pamahalaang Pilipinas sa labas ng bansa at sa kanila lamang nakabalikat ang responsiblidad na siguruhin ang kapakanan ng mga Pilipino sa lupa ng mga dayuhan.

“Konti lang talaga sila (SWAs) at hindi pa nga aabot ng isang porsyento ang SWA kada kontinente,” ayon sa senador.

Sa kasalukuyan, dalawang SWA lamang ang ipinadala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang aagabay sa mga Pinoy na nasa Riyadh at Jeddah sa bansang Saudi Arabia, habang tig-isa naman para sa mga bansang Kuwait at Malaysia.

Plano ngayon ng pamahalaan na tatlong SWAs pa ang ipadala sa Dubai, Qatar at Hong Kong.

Iginiit ni Angara na higit kailangan ng OFWs na malayo sa kani-kanilang pamilya ang pangangalaga, pagkalinga at pangangaral lalo na sa mga panahong naiipit ang mga ito sa malalaking problema.

“Kahit meron tayong magagaling na abogado sa mga embahada at batikang eksperto sa lokal na regulasyon, ang isang kakulangan ay ang magbibigay ng psychosocial care sa mga biktima ng trafficking at karahasan,“ ani Angara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?