119

By

Mag-live-in, tinadtad ng saksak habang natutulog

Patay ang isang lalaking tindero ng prutas habang kritikal naman ang kanyang live-in partner makaraang mapagtripan umano at pagsasaksakin ng dalawang hindi kilalang lalaki habang natutulog sa loob ng kanilang fruit stall sa palengke sa Mandaluyong City, ayon sa ulat kahapon.

Naisugod pa sa Mandaluyong City Medical Center ang biktimang si Richard Pantua, nasa hustong gulang, ngunit binawian rin ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang patuloy pa ring ginagamot sa nabatid na pagamutan ang kanyang kinakasamang si Isabel Garcia.

Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong alas-4:20 ng madaling-araw kamakalawa ay mahimbing na natutulog ang mga biktima sa kanilang fruit stall na matatagpuan sa Guevent Market, Sierra Madre St., kanto ng Pinatubo St. sa Brgy. Malamig ng nabatid na lungsod nang bigla na lang silang pasukin at kaagad na pagsasaksakin ng mga salarin.

Nang maisagawa ang krimen ay mabilis nang nagsitakas ang mga salarin habang naisugod naman ng ilang concerned citizen ang mga biktima sa pagamutan ngunit nasawi rin si Pantua makalipas ang may isang oras na gamutan habang patuloy na inoobserbahan ang kinakasama nito na nagtamo din ng mga saksak sa katawan.

Ayon sa pulisya, posibleng napagtripan ang mga biktima ng mga pinaniniwalaang mga adik sa lugar subalit patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon para sa agarang pagdakip ng mga salarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?