511
arrested-arestado
By

Mag-live in partner, timbog sa panghahalay ng anak

Ipinakulong ng 17-anyos na dalagita ang sariling ina at ka-live in partner nito matapos ang halos limang taong panghahalay ng amain sa kanya na umanoy alam ng sariling ina.

Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Carmencita Lacandazo Logan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ng Pasig City, inaresto sa kasong kriminal sina Antonio Briza y Zamudio, 47-anyos, mekaniko, step father ng 17-anyos na dalagita at ang ina nito na si Marilyn Solis y Francisco, 40-anyos, housewife, kapwa residente ng Pasig City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director PBGen. Christopher Tambungan, unang inaresto ng mga tauhan ng District Intelligence Unit (DIU) at District Special Operations Unit (DSOU) sa pangunguna ni PSSG Erwin Dela Cruz ang amain ng biktima sa tinutuluyang bahay sa Block 15, Lot 3, Mercedes Park, Mercedes Executive Village, San Miguel, Pasig City bandang 7:30 Biyernes ng gabi habang ang ina naman ng biktima ay inaresto sa harap ng Puregold sa Mercedes Avenue, Barangay San Miguel, Pasig City bandang 6:45 Sabado ng umaga.

Ayon kay PMaj. Darwin Guerrero, hepe ng DSOU, inatasan niya ang kanyang team para ikasa ang surveillance laban kay Briza at sa ina ng biktimang itinatago sa pangalang “May”.

Nag-ugat ang kaso nang humingi ng tulong si May sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang barangay para ireklamo ang ginagawang pangmomolestiya sa kanya ng kanyang amain simula noong nasa 12-anyos pa siya.

Hindi umano inakala ni May na mauulit ang ginagawang panghahalay sa kanya ng amain hanggang sa naulit ito at umabot pa ng limang taong pagdurusa. Hindi niya nagawang sabihin sa ina ang panghahalay ng amain dahil sa takot at sa bandang huli ay ipinaalam na niya ito subalit nabigla siya nang sabihin mismo ng ina na alam niyang may ginagawa sa kanya ang kanyang step father at doon na sumiklab ang galit ng 17-anyos na dalagita.

Nabatid na alam pala ng ina nito ang pambababoy sa kanya ng amain at pinaabot pa hanggang limang taong pagdurusa na hindi akain ng biktima na ipapahamak siya ng sariling ina.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa, amain at ina ng biktima sa Pasig City Police Station’s custodial facility habang hinihintay ang pagdinig sa korte kaugnay sa kasong rape at criminal na walang hinihinging piyansa habang nasa pangangalaga pa rin ngayon ng DSWD ang biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?