119
crime-scene
By

LTO inspector natagpuang patay sa sala

Natagpuang nakaupo at wala nang buhay ang isang inspector ng Land Transportation Office (LTO) sa sala ng kanilang tahanan sa Quezon City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Teodoro Serrano Palisoc, 55, may asawa, inspector aid ng LTO at naninirahan sa Sta. Catalina St., A. Bonifacio Mayon Ave., QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Master Sgt. Roldan Cornejo ng CIDU-QCPD, alas-singko ng madaling-araw natagpuang patay ang biktima ng kaniyang anak na si John Joseph Palisoc.

Ani John Joseph sa pulisya, pag-uwi niya sa kanilang bahay ay nagtaka siya kung bakit naka-lock ang kanilang pintuan kaya kinatok niya ang ama na nasa loob.

Subalit halos ilang minuto na umano siyang kumakatok ay hindi pa rin binubuksan ng kaniyang tatay ang pintuan kaya sumilip siya sa bintana at doon ay nakita niyang nakalugmok ito sa sahig.

Agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay at puwersahang binuksan ang lock ng pintuan.

Bagama’t hindi na humihinga ang biktima ay isinugod pa nila ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center subalit idineklara na rin itong patay ng attending physician na si Dr. Mark Angelo Alcantara bandang alas-5:45 ng umaga.

Sa imbestigasyon, nakita sa kisame ng bahay ang nakataling lubid at malamang na naputol umano ito nang magbigti ang biktima kaya bumagsak sa sahig kung saan ito natagpuang patay.

Gayunman, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung may foul play sa naganap na insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?