79

Sep 27, 2019 @ 17:55
By

Lookout bulletin, inilabas na vs ‘drug queen’

Pormal nang naglabas ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa hinihinalang “drug queen” na si Guia Gomez Castro.

Sa tatlong-pahinang memorandum na pirmado ni Justice Secretary Menardo Guevarra, inaatasan ang lahat ng mga immigration officer na maging mapagmatyag sakaling mamataan si Castro sa mga immigration counter sa mga international airport at seaport.

Iniutos din ng DOJ sa Bureau of Immigration na makipag-ugnayan sa National Prosecution Service para sa pagkalap ng karagdagang impormasyon kaugnay kay Castro kabilang na ang kanyang ginagamit na mga alyas, kopya ng kanyang pasaporte at litrato.

Sakali umanong tangkain ni Castro na umalis ng bansa, dapat itong ipaalam agad sa Office of the Secretary at sa National Prosecution Service

Kung kakailanganin, maaari rin umanong hilingin sa hukuman ang pagpapalabas ng Precautionary Hold Departure Order o Hold Departure Order.

Ang ILBO ay inilabas ng DOJ bagama’t nakalabas na ng bansa si Castro noong September 21 patungo ng Bangkok, Thailand.

Layon nitong mamonitor ang pagdating at pag-alis ng isang indibiduwal sa pamamagitan ng immigration counters.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?