58

By

Lolo ‘di nakalabas ng nasusunog na bahay, naabo

Todas at halos hindi na makilala ang 62-anyos na senior citizen na lalaki matapos maabo ang kanyang bahay dahil sa sunog sa Barangay Carig Sur, Tuguegarao City noong Linggo ng tanghali.

Nakilala ang biktima na si Claro Nastor, dating OFW, ng nasabing barangay.

Ayon sa Tuguegarao City Police Station (TCPS), nangyari ang sunog dakong alas-12:50 ng tanghali sa bahay ni Nastos sa nasabing barangay.

Batay sa report ng TPS fire bureau, kasalukuyang natutulog ang biktima sa kanilang sala gamit ang rocking chair na nakabukas pa ang telebisyon nito at walang kasama noong mangyari ang sunog.

Ayon sa fire investigator, hirap umano si Nastor sa paglalakad dahil sa sakit na diabetes na isa sa mga dahilan upang makulong siya habang nasusunog ang kanyang bahay.

Agad na naapula ng mga fire fighter dakong alas-1:20 ng hapon at nakita ang sunog na bangkay ng biktima kung saan ito natutulog.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?