270

By

Listahan ng mga suportadong kandidato, ilalabas ni Duterte

Maglalabas ng listahan ng mga kandidato si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang susuportahan para sa 2019 midterm elections.

Sa kanyang talumpati kagabi sa Cagayan de Oro, sinabi ng Pangulo na magiging aktibo siya sa pangangampanya sa mga susuportahang kandidato pagkatapos ng Pasko.

Dalawa lamang ang magiging pamantayan ng Presidente sa kanyang magiging manok sa eleksiyon at ito ay dapat may taglay na katapatan at maabilidad.

Hindi aniya ito mag-eendorso ng mga tiwali sa gobyerno.

“I’ll come up with a list. I will not pick people who are crooked,” anang Pangulo.

Pero sa kabila ng pahayag na ikakampanya niya ang mga susuportahang kandidato, sinabi ni Pangulong Duterte na pinagsabihan na niya ang militar, pulis at miyembro ng gabinete na huwag mangampanya ng kahit na sinong kandidato dahil hindi aniya maiiwasang magamit ang pondo ng gobyerno.

Pero sa mga nakalipas na talumpati ay hiningi na ng Pangulo ang suporta ng mga botante para sa kanyang mga dating miyembro ng gabinete na tumakbo sa pagka-senador sa darating na eleksiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?