126

By

Liksi ni Ayonayon patok kay Guiao

Kilala si coach Yeng Guiao sa talas ng mata sa pagtukoy sa talento ng mga manlalaro.

Kaya hindi na sorpresang una niyang tinawag sa nakaraang PBA Draft si Mike Ayonayon.

Ang 6-foot guard mula PCU ang unang homegrown player na hinugot sa regular draft noong Linggo, No. 3 pick overall ng NLEX.

Nasa MPBL pa si Ayonayon, nasa radar na siya ni Guiao.

“Nakakapanood naman ako ng laro niya, ng MPBL. Nakita ko naman masipag ‘yung bata, matapang,” lahad ng coach.

Matinding scorer si Ayonayon ng San Juan, naging Finals MVP pa nang ihatid ang Knights sa titulo ng nakaraang Datu Cup.

“Meron naman siyang physical tools na palagay ko eh puwede nang umangat sa PBA,” dagdag ni Guiao. “Gusto ko rin ‘yung energy niya. Lahat ng laro niya, bigay-todo siya. Nagustuhan namin.”

Sa Road Warriors, sahog si Ayonayon kina Kiefer Ravena, Kevin Alas at Jericho Cruz.

“’Yung coaching staff ko, highly recommended din siya dahil bago naman itong drafting, nagi-scout na rin kami,” wika pa ng mentor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?