77
Lassiter bumomba, SMB pinoste ang 2-0 bentahe
By

Lassiter bumomba, SMB pinoste ang 2-0 bentahe

Umahon ang San Miguel Beer mula sa 12 puntos na pagkakaiwan kahit napatalsik sa second quarter si Christian Standhardiner bago sinukbit ang 92-82 win kontra Phoenix Pulse sa Game Two ng kanilang best-of-seven semifinals sa 2019 PBA Philippine Cup nitong Lunes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sinandigan ng Beermen ang lay-up ni Alex Cabagnot at magkasunod na tres nina Chriss Ross at Marcio Lassiter sa ikaapat na yugto upang bitbitin ang dalawang larong bentahe sa mauna sa apat na panalo na serye.

Unang nagtala ng anim na sunod na puntos si Terrence Romeo upang ibigay sa Beermen ng bentahe sa 5:41 ng ikaapat na yugto, 74-72, bago ang tres ni Ross sa 81-76 at panghuli ang 84-80 ni Lassiter.

Pinamunuan ni Lassiter ang Beermen sa 24 puntos, pitong rebound at tatlong assists.

Isang tres ni RJ Jazul ang nagpasimula sa pagbuhos ng Fuelm Masters sa 11-3 run sa unang yugto mula sa isang puntos na paghahabol sa 8-9 iskor tungo sa pagtatala ng walong puntos na abante sa 19-11.

Nalimitahan ng Fuelmasters sa 13 puntos lamang ang mga Beermen habang itinala nito ang kabuuang 21 puntos sa pagtatapos ng unang yugto.

Trey rin ni Jazul sa 5:12 minuto ng ikalawang yugto ang nagbigay sa malaking 12 puntos na abante sa Fuel Masters, 40-28, para makontrol ang laro kontra sa nagtatanggol na kampeong Beermen.

Pinamunuan ni Matthew Wright ang Phoenix sa unang hati matapos kolektahin ang 11 puntos, tatlong rebound, dalawang assist at isang steal.

Nag-ambag si Calvin Abueva ng walong puntos, walong rebounds, limang assist, dalawang steal at dalawang block. Siya ang sinipa sa mukha at singit ni Standhardinger na kina-ejected nito sa 6:10 ng second period dahil sa flagrant penalty 2 na tinawag ng referee.

Ang iskor:
San Miguel 92 – Lassiter 24, Fajardo 19, Romeo 14, Cabagnot 8, Pessumal 8, Santos 7, Ross 7, Tubid 3, Standhardinger 2, Rosser 0, Nabong 0,

Phoenix 82 – Abueva 16, Wright 13, Perkins 12, Chua 12, Jazul 12, Mallari 8, Intal 4, Marcelo 2, Kramer 2, Mendoza 1.

Quarters: 13-21, 37-46, 63-63, 92-82.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?