41

Feb 7, 2020 @ 12:36

Lapid: Mga community shelter itayo para sa kalamidad

Isinusulong ngayon ni Senador Manuel “Lito” Lapid na isang panukala para sa paglalagay ng mga community shelter na magsisilbing evacuation center sa panahon na natural disaster, kalamidad at iba pang kagipitan o emergency.

Ayon kay Lapid, layunin ng Senate Bill 1298 ni Lapid na matugunan ang kasalukuyang ‘gaps’ o puwang sa disaster responses system ng bansa.

Paliwanag ng senador, noong sumabog ang Taal Volcano noong Enero 12, nagulat ang bansa dahil sa loob lamang ng isang araw, itinaas agad ang alert level ng bulkan sa apat mula sa dalawa matapos bumagsak ang ash fall sa malaking bahagi ng Batangas at Cavite at umabot pa sa Metro Manila at Calabarzon.

Dahil dito, agad na nagtungo ang mga apektadong pamilya sa mga bukas na evacuation centers subalit karamihan sa mga ito ay mga eskuwelahan kaya naapektuhan din ang pag-aaral ng mga estudyante.

Iginiit ni Lapid na ang praktis nang paggamit ng ng classroom at school building bilang evacuation center ay hindi dapat gawing ‘norm’ o pamantayan ng pamahalaan.

“Tuwing may kalamidad na lang at mangangailangan ng evacuation center, mga classroom ang ginagamit at ang numero unong apektado dito ay ang mga estudyante,” ani Lapid.

“Nakakaawa naman ang mga bata dahil bukod sa masamang epekto ng kalamidad sa kanilang pamilya, pati pag-aaral nila ay natitigil dahil ginagamit ang kanilang eskwelahan bilang pansamantalang tirahan ng mga biktima ng disaster,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Senate Bill 1298, nais ni Lapid na magkaroon ng batas na mag-aatas sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC), sa pakikipagtulugan ng Office of the City/Municipal Engineer o ng Office of the Building Official na magtalaga at magtayo ng community shelters sa angkop ng gusali ng gobyerno, kabilang subalit hindi limitado sa gymnasium, convention, multi-purpose halls, covered courts, government warehouses at iba pang similar na istraktura.

Kapag naging batas na ito, i-institutionalize nito ang polisiya na ang mga silid aralan at school building ay itatalaga bilang community shelter bilang ‘last resort’.

Tinitiyak din ng senador na hindi dapat makagulo sa klase sakaling gamitin ang mga school building bilang community shelter.

“Bilang bahagi ng polisiya ng ating gobyerno sa paghahanda sa mga kalamidad at sakuna na dumarating sa ating bansa, dapat na ngayon pa lang ay may malinaw na mga gusali at istruktura na pwedeng gawing evacuation centers. Huli na dapat sa listahan ang mga paaralan para gawing evacuation centers,” paliwanag ni Lapid.

“Dapat ding maging malinaw ang mga impormasyon kung anu-anong gusali at istruktura ang pwedeng maging community shelter para alam ng ating mga kababayan kung saan sila tatakbo para maging ligtas sa oras ng mga sakuna,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?