1,814
Laos na ‘yan! Mayor Sara tinabla ang PDP sa posibleng pagbabalik speaker ni Alvarez
By

Laos na ‘yan! Mayor Sara tinabla ang PDP sa posibleng pagbabalik speaker ni Alvarez

Tinabla ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pahayag ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ukol sa posibilidad na muling makabalik si napatalsik na dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez bilang pinuno ng Kamara sa darating na Hulyo.

Sa isang ambush interview nitong Huwebes kasabay ng campaign caravan ng mga pambatong senatorial candidate ng Hugpong ng Pagbabago ni Mayor Duterte sa bayan ng Pateros, sinabi ng presidential daughter na huwag nang mag-aksaya ng panahon ang mga kapartido ni Alvarez na muling iluklok ang mambabatas bilang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa darating na 18th Congress.

“Siguro yung nasubukan na at hindi naging successful, huwag na siguro (mag-ambisyon ulit maging House Speaker),” sabi ni Duterte.

Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos malabas ng press release nitong Miyerkules ang alalay ni reelectionist Sen. Koko Pimentel na si Ronwald Munsayac na nagsasabing nakatakdang bawiin ng mga manok ng PDP sa Hulyo ang liderato ng Kamara kasabay ng pagreretiro sa politika ni dating Pangulo at kasalukuyang House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon sa kalatas ng deputy chief-of-staff ni Pimentel na siya din ngayong tumatayong tagapagsalita ng partido, si Alvarez bilang pangkalahatang-kalihim ng PDP ang siya pa ring napipisil upang pamunuan ang Kamara pagpasok ng huling linggo ng Hulyo ngayon taon kung siya’y palarin pa rin bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao del Norte sa darating na halalan.

Matatandaang pinatalsik si Alvarez ng mismong mga kasamahan niya sa partido noong Hulyo noong isang taon dahil sa samu’t saring mga isyu at anolmaya na nakapaligid sa kanyang pamumuno.

Malakas ang usap-usapan na si Mayor Sara umano ang nasa likod ng pagpapabagsak kay Alvarez bilang Speaker noong isang taon matapos magkaroon umano ng hindi pagkakaunawan ang dalawang kampo.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay aminado na malaki ang papel ni Mayor Sara sa matagumpay na pagpapatalsik kay Alvarez sa kanyang trono sa Batasan.

Bukod sa Alvarez, kasam din sa umano’y shortlist sa pagka-speaker na inilathala ng tauhan ni Pimentel sila Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, San Juan City Rep. Ronaldo Zamora at Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.

Si Velasco ay kilalang malapit kay Mayor Sara samantalang si Zamora ay manok umano ng grupo nila Energy Sec. Alfonso Cusi ayon sa dalawang mapagkakatiwalaan source ng Abante.

Samantala, mahigpit ang kinahaharap na laban ni Alvarez sa kanyang distrito dahil ang kanyang makakalaban na si Davao del Norte Gov. Anthony del Rosario ay kilalang malapit sa alkalde ng Lungsod ng Davao.

Si del Rosario kasama ang tatlo pang gobernador mula sa Davao Region (Region 11) ang katuwang ni Mayor Sara noong itatag niya ang Hugpong ng Pagbabago noong isang taon. Ang nasabing gobernador ay pinsang-buo din ni Davao del Norte second district Rep. Antonio Floirendo na kilalang mortal na kaaway ni Alvarez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?