62

Mar 24, 2020 @ 20:26
By

Lamay sa patay, bawal muna – PNP

Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalamay sa mga patay habang ipinatutupad ang ‘enhanced community quarantine’ sa buong Luzon, ayon kay Philippine National Police (PNP) deputy chief for operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar.

Iginiit ni Eleazar na ang paglalamay sa mga namatayan ay isang ‘public gathering’ at kanilang ipinagbabawal ang lahat ng uri ng ‘mass gathering’ habang nakasailalim ang kabuuan ng Luzon sa ‘mandatory quarantine’.

“Sinama po namin ‘yun. Una, ang puwede lang po sumundo o makipaglibing, ‘yung immediate family, hindi po ang extended family. So wala pong wake, ‘yung mismong libing na, kasi ‘yun (wake) po ay mass gathering,” paliwanag ni Eleazar sa press conference nitong Martes.

Aniya, nauunawaan naman niya na nais lamang ng mga nakikiramay na mapagaan ang kalooban ng mga kapamilya, kaibigan o kapitbahay na nawalan ng mahal sa buhay subalit ang ipinatutupad na ‘social distancing’ ay para na rin sa kapakanan ng sambayanan.

“Mayroon po tayong kultura, mayroon po tayong relihiyon pero iba po ang ating sitwasyon ngayon. So sinasabi po natin, kasama po sa exemption ‘yung magbibigay ng huling basbas, whether minister, pari, imam, o pastor. ‘Yun lang po ang exempted na puwede mag-travel from their home to that place pati na sa sementeryo,” dagdag pa ng heneral.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?