134

Jan 27, 2020 @ 21:36
By

Lalaki arestado sa pagpapakita ng ari sa Makati

Dinakip ang isang lalaki makaraang gumawa ng umano’y kalaswaan sa loob ng isang comfort room sa sikat na fast food chain sa Makati City nitong Lunes.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati Police, ang suspek na si Dante Vargas, 42, naninirahan sa Pinagsama St., Taguig City.

Batay sa report, alas-2:30 ng hapon nasa loob ng isang cubicle ng CR ang batang lalaki na itinago sa pangalang Daniel, 10 taong gulang, sa isang fast food chain sa City Land 10, Valero St., Bel Air nang ipasok ng suspek ang kamay nito na may hawak na cellphone sa loob ng cubicle at nagpalabas ng malaswang video.

Dahil dito, agad na lumabas ang bata pero hinawakan siya ng suspek para pigilang umalis at lumabas ng CR.

Dito na hinawakan ng suspek ang sariling ari nito sa harap ng 10 taong gulang na biktima dahilan para magpumiglas ang bata.

Agad na bumalik sa magulang nito ang biktima at sinumbong ang nangyari sa kanya sa loob ng CR.

Nakapagsumbong sa mga kinauukulan ang mga kaanak ng biktima kung saan agad namang naaresto ang suspek.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?