186

By

Lakers pokus sa free agents sa 2019

Mukhang nilubayan na ng Los Angeles Lakers ang preparasyon para mabingwit si LeBron James sa offseason.

Hindi matigil ang ulat na naghahanap ng paraan ang front office ng Lakers para makakuha ng superstars sa free-agent class ng 2018, pero ngayon ay lumalabas na sa mas malayo pa roon sila nakatanaw: 2019.

Pinangalandakan ng ESPN na ayon sa kanilang sources, naka-focus daw ang Lakers sa mga free agents sa susunod na taon tulad nina Kawhi Leonard ng San Antonio, Klay Thompson ng Golden State at Jimmy Butler ng Minnesota.

Unang umugong ang balita na hahawanin ng Lakers ang salary cap nila para ma-accommodate ang max-superstars sa kalibre nina James ng Cleveland, Paul George ng Oklahoma City at DeMarcus Cousins ng New Orleans.

Para lumuwag ang salary cap, itatapon ng Lakers ang ilang key players tulad nina Jordan Clarkson at Julius Randle. Ayon pa sa report, iiwan para hubugin ang mga tulad nina Brandon Ingram, Lonzo Ball, Kyle Kuzma at Josh Hart.

Sa Feb. 8 ang trade deadline sa NBA, marami ang nakaabang kung ano ang gagawin ng Lakers at ni Magic Johnson.

Ang solusyon lang para makabingwit ng superstars ay paluwagin ang salary cap, kaya kailangan may itapon. Kundi sa trade deadline ay bago ang susunod na draft. (VE)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?