402

By

Lakas, Hugpong pormal nang magsasanib-pwersa

MANILA – Nakatakdang magsanib-pwersa ngayong paparating na linggo ang partidong Lakas Chirstian-Muslim Democrats (Lakas-CMD) at ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa abisong natanggap ng Abante/Tonite mula sa kampo ni Lakas-CMD president at dating Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, pormal nang lalagdaan ang alyansa sa pagitan ng dalawang partido sa darating na Miyerkules, ika-7 ng Nobyembre sa kanyang balwarte sa Lungsod ng Tacloban.

Mismong si Mayor Sara ang magiging panauhing pandangal sa nasabing pagtitipon na dadaluhan din ng ilang senatorial bets na suportado ng HNP.

“Mayor Sara will be our guest of honor and keynote speaker together with other HNP-supported senatorial candidates,” ayon sa kampo ni Romualdez.

Ang nasabing pagtitipon ay nataon namang natapat din sa bisperas ng ika-limang anibersaryo ng paghagupit ng Super Typhoon ‘Yolanda’ sa Tacloban at iba pang mga lalawigan ng Eastern Visayas Region noong 2013.

Nitong nakaraang buwan, sinabi ni Romualdez na prayoridad umano ng kanyang partido ang mga mamanuking senatoriables ng Hugpong ni Mayor Sara para sa nalalapit halalan sa susunod na taon.

Noong huling linggo ng Setyembre, inilabas ng panganay na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang listahan ng mga mamanukin ng Hugpong sa Senado sa darating ng halalan.

Kasama sa unang listahan ng HNP sila Senadora Cynthia Villar, Taguig Rep. Pia Cayetano, Ilocos Norte Governor Imee Marcos, dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa; dating Special Assistant to the President SAP Christpher ‘Bong’ Go, ang magkapatid na sina Senador JV Ejercito at dating Senador Jinggoy Estrada; at si Maguindanao 2nd district Rep. Zajid Mangudadatu.

Halos parehas lamang ang ikalawang listahan ng Hugpong na eksklusibo naman umano sa Davao Region subalit napadagdag sa nasabing listahan sila PDP Laban President at Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, LDP President at Senador Sonny Angara, at ang dating Kapuso brodkaster na si Jiggy Manicad.

Ang Lakas-CMD mismo ay may mga isasabak ding mga manok sa pagka-senador at kabilang dito ang mismong chairman ng partido na si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. Kasali din sa senatorial line-up ng Lakas ang sikat na medical-blogger na si Dr. Willie Ong.

Nauna nang nabanggit ni Romualdez na nakareserba na para kina Revilla at Ong ang unang dalawang puwesto sa kanilang senate slate habang ang natitirang 10 bakanteng slot ay pag-aagawan ng mga kandidatong inendorso ng Presidential daughter. (John Carlo M. Cahinhinan)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?