54

By

Kusinero tinadtad ng bala sa reunion party

Dumanak ang dugo sa isang handaan matapos na tadtarin ng bala ng mga hindi kilalang suspek ang naglulutong kusinero sa Sariaya, Quezon Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ng Sariaya Police ang biktima na si Antonio Alcaide Sambile, 47, residente ng Sitio Maharlika, Brgy. Montecillo.

Nangyari ang pamamaril sa compound ng isang bahay sa Barangay Montecillo kung saan ang biktima ang siyang maestro kusinero para sa mga bisita sa gaganaping reunion ng isang pamilya.

Sa kuha ng CCTC, nakitang nagpapahinga ang biktima sa kanyang tricycle na nakaparada sa compound ng bahay dakong alas-singko ng madaling-araw nang dumating ang tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Malapitang pinagbabaril ng mga ito ang biktima at saka mabilis na tumakas.

Agad nasawi ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang pitong basyo ng kalibre .45 at 10 basyo ng 9mm na baril.

Ayon sa isang kabaranggay, noong November 2, isang hindi nakilalang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang nagtanong kung saan ang bahay ng biktima.

Ayon umano sa estranghero, may atraso sa kanya ang biktima matapos na hindi ito magbayad ng utang at mabigong ibigay ang ipinangakong sasabunging manok.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?