117

Kumikitang Kabuhayan mula sa Angat Buhay sa Metro Laylayan

By Georgina Hernandez

Una naming kinuwento sa inyo noong Hunyo ang tungkol sa isa pang proyekto sa ilalim ng Angat Buhay ng Office of the Vice President (OVP), ang Metro Laylayan.

Maliban sa pagdala ng pag-asa at tulong sa mga kababayan nating nasa pinakamahihirap, pinakamaliliit, at pinakamalalayong komunidad, ang Metro Laylayan ay nakatuon naman na tumulong sa mga nasa Maynila.

Sa pagdalaw namin sa Brgy. 28 sa Caloocan City, nakilala namin si nanay Grace Amaro. Siya at ang kanyang pamilya ang pinakaunang pamilyang nakatanggap ng benepisyo mula sa proyektong ito na pinamumunuan ni VP Leni Robredo.

Kung natatandaan ninyo sa ating kuwentuhan noong ika-10 ng Hunyo, bilang isang housewife, si nanay Grace ang naiiwang mag-alaga sa limang anak. Ang asawa niyang mangingisda na si Armando Pascual ang mag-isang nagtatrabaho para sa kanilang pamilya. Pero dahil sa karamdamang leukemia ng panganay nilang si Niño, lalong nagiging kapos ang mag-anak sa pang-araw-araw na gastusin.

Sa P300 kada araw na kinikita ni tatay Armando, pilit itong pinagkakasya sa pagkain ng limang batang nag-aaral, sa kanilang mag-asawa, sa kuryente, tubig, at iba’t iba pang gastusin. Pero paano pa ang pagpapagamot ni Niño?

Nang magsimula ang Metro Laylayan, patuloy ang OVP sa paghahanap ng mga makatutulong sa mga pamilya. At matapos ang higit sa tatlong buwan mula pagbisita namin sa Caloocan, malaki na ang ipinagbago ng pamumuhay nila nanay Grace.

Sa pamamagitan ng Angat Buhay partner na Metro United Livelihood Initiative (MULI), nabigyan ng pagkakataon ang pamilya ni nanay Grace na magsimula ng negosyong makatutulong sa kanilang pamilya.

Nagulat nalang ako nang dalawin ko sila matapos ang ilang buwan. Sa harap mismo ng kanilang bahay, bumungad sa akin ang maliit na tindahang punong-puno ng produkto!

“Ako gumawa niyan! Sabi nga nila imposible tayuan yung lupa, pero sabi ko kung gusto mo talaga, may paraan yan,” kuwento ni tatay Armando.

Halos tatlong dipa lang ang layo mula sa Maypajo River ng kinatitirikan ng bahay nila nanay Grace. Ngayon ay nagawan na din ng mas matibay na ikalawang palapag. At may sari-sari store na sa harap.

Si Nanay Grace ang nagbabantay sa tindahan. Napansin ko kung gaano naiba ang pananaw niya sa pagnenegosyo, dahil noong una nag-aalangan pa siya.

Ngayon, siya mismo ang nagsabi sa aking susubukan niya ring magbenta ng bigas at mantika, dahil ito ang hinahanap ng kanyang mga kapitbahay. Aniya, importante daw na makinig sa mga pangangailangan ng iyong mga kliyente.

Maliban sa kabuhayan, pinagpursigihan ng OVP at ni VP Leni na makahanap ng makatutulong kay Niño sa kanyang pagpapagamot. Malaki ang gustusin sa pagpapa-chemo, at para matapos ang 14 sessions, malaki ang perang kakailanganin.

Tinulungan namin ang pamilyang lumapit sa DOH, at dahil dito, may garantiya nang matatapos ni Niño ang 14 sessions ng chemo sa Philippine Children’s Hospital. Kasama na dito ang lahat ng gastusin para maging cancer-free si Niño. Nabigyang pagkakataon din siyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa suporta ng LGU partner ng Angat Buhay.

Napaayos din ang dating isang palapag na barung-barong ng mag-anak. Ngayon ay dalawang palapag na ang bahay ni nanay Grace, na may matibay na bubong na makakapagprotekta sa pamilya kapag dumating ang ulan.

Hindi panandaliang tulong ang nais naming ihatid sa Angat Buhay. Ang layunin namin ay wakasan ang kahirapan at para makamtan ito, kailangang magkaroon ng maayos na kabuhayan ang ating mga kababayan, katulad ng istorya ng pamilya ni nanay Grace.

Naniniwala ako na mahalagang bigyan natin sila ng pagkakataon na ibangon ang kanilang sarili mula sa hirap at problema. Gaya ng ginawa natin sa programang Metro Laylayan na nakatuon sa negosyo, kalusugan, edukasyon, at pabahay. Importante ang tulong galing sa atin, pero magiging mas makabuluhan at mas pangmatagalan ang epekto ng pagtulong na ito kung sila mismo ang matututo kung paano babaguhin ang kanilang buhay, at magpupursiging makawala mula sa kahirapan.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?