42

Feb 27, 2020 @ 20:20
By

Kultura ng mga Muslim, pinag-aralan ng mga pulis

Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police MajGen. Debold Sinas na marami sa mga pulis ang walang alam sa kultura ng mga Muslim na kalimitan na nagreresulta sa hindi pagkakaunawaan.

Sinabi ito ni Sinas kasabay ng unang Cultural Sensitivity Seminar na pinangunahan ng Islamic Institute ng University of the Philippines (UP) sa mga ‘non-Muslim’ na tauhan ng NCRPO na ginanap sa NCRPO Morale and Welfare Center sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Pangunahing target sa seminar ang mga inbestigador at mga ‘first responder’ na karaniwang nakakaharap ng mga Muslim upang magkaroon sila ng kaalaman kung paano mas epektibo na makikipag-ugnayan sa kanila lalo na sa mga hawak na kaso at mga procedure na bumabangga sa kanilang tradisyon at mga paniniwala.

Gagawin na rin umanong regular ang seminar at iikot sa mga District Office upang lahat ng target na mga tauhan ay mabigyan ng sapat na kaalaman sa pagiging sensitibo sa mga tradisyon at ibang paniniwala.

Nilinaw ni Sinas na isasagawa ang seminar hindi dahil sa isyu ng memorandum na naging iba umano ang interpretasyon nang akusahan ang pulisya ng ‘profiling’ sa mga Muslim sa Metro Manila.

Una na ring natuligsa ang pulisya sa profiling naman sa mga miyembro ng LGBT community base sa naging viral na video ng dalawang tauhan ng Makati City Police.

Iginiit ni Sinas na walang malisya sa kanilang ginagawa sa pagkalap ng datos habang inamin na kailangan na mas maging magalang sa pag-imbita ang mga pulis sa mga miyembro ng LGBT.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?